Magkakaiba ng paniniwala napagsama ni Villar
MANILA, Philippines -Napagsama-sama ni Nacionalista Party presidential candidate Sen. Manny Villar ang mga personalidad na may magkakaibang paniniwala. Ito ay dahil sa iisang layunin nila na wakasan ang kahirapan, ayon mismo sa kanyang mga kasamahan.
Sinabi ni vice presidential bet Sen Loren Legarda, kasapi ng Nationalist Peoples Coalition at guest candidate ng NP, wala silang nararamdamang tensiyon sa grupo ni Villar sa kabila ng mainit na bangayan at siraan sa kampanya ng magkakaibang partido.
Ito ay bunga umano sa kakaibang uri ng pamamahala ni Villar na kalmado, pasensiyoso at walang sinasabing masama kahit sa kanyang mga kalaban sa pulitika. Bukod dito, magkakapantay at walang paboritismong pinaiiral si Villar sa lahat ng kandidato ng NP kaya wala ring iringang nararamdaman sa kanila partikular sa senatorial slate ng NP.
Kabilang sa mga senatorial candidate ng NP na inaasahang “magkakontra” sa mga paniniwala ay ang mga militanteng sina Satur Ocampo at Liza Maza, ang bayaning sundalo na si dating Marine Col. Ariel Querubin, at Ferdinand “Bong-Bong” Marcos Jr..
Nasa senatorial line-up din ng NP sina Susan Ople, Gwen Pimentel, Ramon Mitra Jr. (produkto ng Philippine Military Academy), Atty. Adel Tamano, Gilbert Remulla, at reelectionist Sens Pia Cayetano, Miriam Defensor-Santiago at Ramon Revilla Jr.
Sina Revilla at Defensor ay mga kaalyado ng administrasyon habang kilalang kritiko ng gobyerno sina Tamano at Remulla. Sina Ocampo at Maza ay kabilang sa mga militante na nakulong noong panahon ng Marcos regime. Inintriga naman ng Liberal Party ang sundalong si Querubin kung bakit sumama sa NP na may kandidatong sumusuporta sa mga rebelde (patungkol pa rin kina Ocampo at Maza).
- Latest
- Trending