DOJ chief pinapa-'disbar'
MANILA, Philippines - Ilang grupo ang nagbantang magsampa sa korte o sa Integrated Bar of the Philippines ng disbarment o patanggalan ng lisensya sa pagkaabogado si Acting Department of Justice Secretary Alberto Agra dahil sa pagdismis nito sa kasong multiple murder laban sa nakakulong nang sina Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan at pinsan nitong si Akmad Ampatuan Sr. na alkalde ng Mamasapano, Maguindanao.
Kabilang ang magpinsan sa mga akusado sa pagpaslang sa 57 katao na kinabibilangan ng pamilya ng kalaban nila sa pulitika at mga mamamahayag sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Sinasabi sa resolusyon ng DOJ noong Sabado na walang basihan para kasuhan ang magpinsan dahil wala ang mga ito sa pinangyarihan ng krimen.
Kinondena rin ng National Union of Journalist of the Philippines, National Press Club, at ibang grupo ng mga mamamahayag ang resolusyon na isa umanong pagyurak sa sistema ng hustisya sa bansa.
“Nanawagan kami sa kanyang (Agra) pagbibitiw pero, hindi dito natatapos ito, dapat ring managot ang palasyo,” sabi ni Rowena Paraan, director ng NUJP, sa pagsasabing may basbas ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang desisyon ni Agra.
Inihayag naman ni Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya ng 13 sa 32 pinaslang na mediamen, na aapela sila sa korte at isusulong ang disbarment ni Agra.
Sinabi pa ni Roque na galit na galit ang pamilya ng kaniyang mga kliyente na hinihiling na magbitiw na sa puwesto si Agra kung dudungisan lamang nito ang batas.
Sinabi naman ni Atty. Roan Libarios ng Integrated Bar of the Philippines na isang malaking insulto at sampal sa hustisya sa bansa ang hakbang ni Agra kung saan nakikiisa sila sa pagsusulong ng pagsasampa sa Supreme Court ng disbarment laban sa kalihim.
Pumalag na rin ang ilang public prosecutor sa pagsasabing handa silang magbitiw sa puwesto pero kailanman ay hindi papanig sa baluktot na desisyon ng kalihim ng DOJ.
Ayon kay Roque, maanomalya ang desisyon ni Roque dahil una nang nakitaan ng probable cause ang magpinsang Ampatuan.
Samantala, nanindigan naman si Agra sa kanyang desisyon dahil pinagbasehan nito ang mga ebidensya at dokumento na hawak niya.
Iginagalang din umano nito ang naging desisyon ng mga prosecutors na lumabas sa media subalit ibang usapan na umano kung pagbibintangan siyang tumanggap ng pera at nabayaran dahil below the belt na ito.
Maaari naman umanong baligtarin ang kanyang resolusyon kung maghahain ng motion for reconsideration ang piskal na may hawak na kaso sa kanyang opisina subalit sa pagkakaalam niya ay aapela na lamang sila sa Court of Appeals.
Hinamon pa ni Agra ang sarili nitong mga piskal na maglabas ng bagong ebidensya laban sa mga Ampatuan.
- Latest
- Trending