Ekonomiya sesemplang
MANILA, Philippines - Posibleng malugmok muli sa burak ng kahirapan ang nakakaraming mamamayan dahil kaalyado at kakampi na ng Liberal Party ang arkitekto ng kahirapan sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Inihayag ito ng Nacionalista Party matapos sumanib sa LP si Albay Gov. Joey Salceda na pangunahing economic adviser ni Pangulong Arroyo at gumawa ng patakarang mayayaman lamang ang nakinabang. Nangunguna na nga sa listahan ang ka tandem nito mismo na si Senador Mar Roxas na nagsilbi bilang trade secretary ni Arroyo.
Bukod kay Salceda na nagpatupad ng nabigong isang milyong trabaho kada taon sa administrasyon ni Pangulong Arroyo, kasama rin sa Liberal Party ang iba pang economic managers ng kasalukuyang administrasyon na nagpataas ng buwis na siyang nagpahirap sa taumbayan.
Partikular na tinutukoy ng NP si dating economic planning secretary Ralph Recto na nagpasimuno ng pagsasabatas ng Expanded Value Added Tax mula dating 10% tungo sa 12% sa lahat ng uri ng produkto at serbisyo.
“Nasaan ang isang milyong trabaho na ipinangako ng economic adviser ni Pangulong Arroyo noon tulad ni Salceda? Di ba mas maraming pamilyang Filipino ang walang makain sa pamamahala ni Salceda sa ating ekonomiya,” giit ng NP.
- Latest
- Trending