MANILA, Philippines - Tila nagiging paborito umano ng mga bilyonaryong drug lords ang lungsod ng Taguig matapos ang isang matagumpay na drug buy-bust operation sa Taguig City kamakailan.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief director Roberto Rosales na ang kanilang raid sa isang dambuhalang illegal drugs factory na may P10 bilyong halaga ng metamphetamine hydrochloride o shabu sa Taguig City nung Marso 26 ang pinakamalaking hakot ng ipinagbabawal na droga.
Sa panayam ng media kay Rosales, ang kanilang dalawa’t kalahating buwan na surveillance ay nagbunga ng matagumpay na buy bust operation.
Nasakote ang Chinese nationals na sina Gou Fu, 30, at William Alterejos, 40, na sila umanong nagpapatakbo ng shabu factory.
Kung matatandaan, mainit ang usaping illegal drugs sa nasabing lunsod. Kamakailan lamang, nagwala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng palayain sa kulungan sina Fernando, Alberto, at Allan Carlos Tinga, pawang mga miembro ng “Tinga Drug Syndicate”.
Itinuro ni PDEA agent Jeff Roquero, na kasama sa humuli sa mga Tinga, na sina retired Supreme Court Justice Dante Tinga at Taguig City Mayor Freddie Tinga ang posible umanong nasa likod kung bakit pinalaya ang mga kaanak.
Sa kasalukuyan, pitong miyembro ng “Tinga Drug Syndicate” ang nasa record na ng mga awtoridad. Ito ay sina Noel, Joel, Fernando, Allan Carlos, Alberto, Bernardo at Hector Tinga.
Sa kasalukuyan ay ayaw pa rin pangalanan ni dating DDB Chairman Tito Sotto kung sino ang dalawang mayor sa Metro Manila ang sangkot sa droga. Si Sotto na tumatakbo sa pagka-senador, ay nagbigay ng listahan kay Pangulong Arroyo kung sinu-sino diumano ang sangkot sa “narco-politics” sa bansa nung siya pa ang DDB head.