MANILA, Philippines - Dahil sa hindi pa nareresolba ng Department of Justice ang motion for review, hiniling kahapon ng kampo ni dating Autonomous Region for Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan sa Quezon City Regional Trial Court na ipagpaliban muna ang pagsama sa kanya sa kasong multiple murder kaugnay pa rin sa Maguindanao massacre.
Base sa 16-pahinang omnibus motion for reconsideration na isinumite ng mga abogado ni Ampatuan sa korte na sina Atty. Redemberto Villanueva at Rudyard Avila III, sinabi nito na dapat maresolba muna ang kanilang petisyon sa DoJ dahil dito nakasalalay kung may probable cause para isulong ang kaso.
Naunang iginiit ng kampo ng mga Ampatuan na walang probable cause para kasuhan sila batay lamang sa nag-iisang affidavit ng iisang testigo na nagsasabing naroroon si Zaldy nang planuhin ang masaker laban sa mga Mangudadatu noong Nobyembre 22, 2009.
Ayon naman kay dating ARMM deputy regional governor Antonio Mariano, hindi lahat ng mga idinadawit sa isang kaso ay may kinalaman sa krimen.
Inihalimbawa nito ang ilan sa mga pulis na nagkataong pinag-trapik lamang sa Shariff Aguak nang mangyari ang masaker subalit kasama sa mga kinasuhan.
Naniniwala si Mariano na ganito rin ang naging kapalaran ni Zaldy Ampatuan na nagkataong gobernador ng ARMM nang mangyari ang masaker.