MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ng isang mahistrado ng Korte Suprema ang Commission on Elections na ikonsidera ang kanilang kahilingan at pagbigyan sila sa gun ban exemption.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Lucas Bersamin, dapat nang seryosohin ang kanilang kahilingan sa gun ban exemption upang mabigyan ng mga hukom at mahistrado ng proteksyon ang kanilang mga sarili.
Iginiit pa nito na ang mga hukom ay nag-iisip muna kung ano ang kanilang sasabihin bago magsalita subalit ang mga hindi nila kilalang kaaway ay bigla na lamang silang binabaril at pinapatay.
Si Bersamin ay kapatid ni dating Abra Rep. Luis Bersamin Jr na nabaril at napatay noong December 2006.
Ang pahayag ng mahistrado ay kaugnay sa tangkang pagpatay kay Basilan Judge Leo Principe noong Martes ng gabi at kay Manila RTC Judge Silvino Pampilo kamakalawa ng umaga.