MANILA, Philippines - Matapos ang pambobomba at pamamaril na ikinasawi ng 14 katao, muling sinakmal ng karahasan ang Isabela City sa Basilan matapos pasukin ng mga bandidong Abu Sayyaf ang mga kabahayan dito at ihostage ang ilang sibilyan, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Basilan Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Antonio Mendoza na habang hinahabol ng nagsanib puwersang mga elemento ng pulisya at ng Philippine Marines ang mga bandido ay pinasok ang mga kabahayan sa Brgy. Baluno bandang alas-9 ng umaga.
Nahintatakutan din ang mga residente sa Brgy. Begang matapos na dumaan dito ang mga armadong Abu.
Ayon sa opisyal, dahil paparating na ang humahabol na tropa ng pamahalaan ay napilitan ang mga bandido na pakawalan ang kanilang mga bihag pero natangay ang isang nagngangalang Ramil na ginawa nilang ‘human shield ‘ sa kanilang pagtakas.
Wala namang naiulat na nasugatan sa maikling palitan ng putok sa panig ng gobyerno at Sayyaf.
Nabatid na aabot na sa 3,000 Marine troopers at daang puwersa ng pulisya ang tumutugis ngayon sa grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama na sangkot sa pagpapasabog sa grandstand ng Basilan National High School, Isabela City Cathedral habang isa pang bomba ang narekober naman kamakalawa malapit sa tahanan ni Judge Leo Principe.
Patay sa pambobomba at pamamaril ang 14 katao kabilang ang pitong sibilyan, 3 Abu Sayyaf, 3 Marines at isang pulis habang nasa 12 pa ang nasugatan noong Martes.
Isa sa mga nasawing Abu ay nakilalang si Benzar Indama, kapatid ni Commander Indama na sangkot sa kidnapping for ransom at pambobomba.
Binabantayan din ng tropa ng militar ang bayan ng Maluso at Lamitan City na kabilang sa posibleng atakehin ng grupo ni Indama.
Samantala, pinag-aaralan na ng Comelec na isailalim sa kanilang control ang lalawigan ng Basilan gayundin ang Zamboanga del Sur, Nueva Ecija, Maguindanao, Ilocos Sur, Iloilo at Pangasinan. (Dagdag ulat ni Doris Franche)