MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration ang publiko kahapon na mag-ingat sa heat stroke dahil sa mas mainit pang panahon sa ngayon.
Sinabi ni Nathaniel Cruz, hepe ng weather bureau ng PAGASA, na kung napakainit noong Linggo sa Metro Manila na umabot sa 36.3 degree celcius, mas mainit ang panahon kahapon, Lunes, na umabot sa 37 degrees celcius at aabutin pa ng 38 degrees celcius.
Bunsod nito, pinayuhan din ni Cruz ang mga taong lalabas ng tahanan na gumamit ng payong at magsuot ng shades para hindi gaanong maapektuhan ng mainit na panahon laluna sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng hapon.