MANILA, Philippines - Dapat manahimik na lamang si dating Dangerous Drug Board vice-chairman Clarence Paul Oaminal dahil sa kanyang pagmamaktol matapos hindi makuha ang pagiging DDB chairman.
Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director-general Dionisio Santiago na ang ginagawang paninira ni Oaminal kaugnay sa sinasabing nawawalang tone-toneladang nakumpiskang cocaine noong nakaraang Disyembre sa Samar ay dahil hindi sa kanya napunta ang DDB chief.
Wika ni Santiago, sinisira lamang niya ang ahensiya ng gobyerno gayung hindi naman siya ang operator kundi ang PDEA ang nagtrabaho sa nasabing drug bust.
Sinuportahan naman ni DDB chairman Secretary Antonio Villar Jr. ang posisyon ni Santiago na ang DDB ay policy making body lamang at ang PDEA ang ahensiya na nagsasagawa ng operasyon laban sa prohibited drugs.