ANTIPOLO CITY, Rizal , Philippines - Tinawag ni dating Environment and Natural Resoures Secretary Lito Atienza si Rodriguez suspended Mayor Pedro Cuerpo na hindi umano kuwalipikado na maging “city engineer” dahil sa hindi katanggap-tanggap sa kanya ang mga ideya nito.
Sa pagdalaw ni Atienza sa Rizal Provincial Government, ikinuwento nito na nag-aplay sa kanya noong 1998 si Cuerpo upang maging inhinyero sa pamahalaang lungsod ng Maynila kung saan nagbigay ito ng mga panukala para sa restorasyon at pagpapaganda ng lungsod.
Noong mga panahong iyon ay kagagaling lamang sa pagkatalo ni Cuerpo buhat sa pagtakbo bilang alkalde ng lungsod at naghahanap ng trabaho.
Sa “job interview” pa lamang umano ay bagsak na si Cuerpo at hindi niya kursunada ang mga panukala nito. Hindi naman umano siya nagkamali dahil nang manalo bilang alkalde ng Rodriguez, Rizal ay sari-saring kontrobersya ang kinakaharap nito sa itinayong landfill sa bayan at mga kwestiyonableng mga kontrata at pagbili na hinahabol ngayon ng Commission on Audit (COA).
Idinagdag pa nito na hindi umano tama ang ipinagyayabang ni Cuerpo na nagbigay siya ng mga ideya na kung sinunod ng Palasyo ng Malacañang ay hindi magkakaroon ng problema sa pagbabaha tulad ng naranasan noong tumama ang bagyong Ondoy sa Metro Manila.