MANILA, Philippines - Mainit na pinag-uusapan ngayon sa mga forum sa internet ang umano’y lumabas na medical report tungkol sa pagpapasuri umano ni Liberal Party presidential bet Benigno “Noynoy” Aquino III sa psychologist dahil sa “labis na depresiyon” noong 1990’s.
Ang report na pirmado umano ni Fr. Carmelo Caluag ng Department of Psychology ng Ateneo ay nagsasaad na isang pasyente na nasa pangalan ni Aquino ay nagpapakita ng depresiyon, walang interes sa ibang aktibidad, nakararamdam ng pagod at hindi mapakali.
Nakasaad pa na hindi makatulog ang 36-anyos na “pasyente”, psychomotor agitation o retardation, walang interes sa sex, hirap magsalita, tumutulo ang laway, at walang konsentrasyon.
Dahil sa mga sintomas, idineklara umano na dumaranas si Aquino ng matinding depresiyon at kailangang isailalim sa rehabilitasyon at theraphy.
Sinasabi sa mga report na ang kapatid umano ng pasyente ang humiling na suriin si Aquino sa posibleng suliranin ng depresyon matapos umanong makipag-break sa isang kasintahan noong 1990s.
Lumabas din sa umano’y rekord na nakakaubos ng dalawang kaha ng sigarilyo si Aquino sa loob ng isang araw, umiinom kahit mag-isa at gumagamit ng marijuana at iba pang gamot noong kanyang kabataan.