Barko sumabog: 2 Pinoy patay
MANILA, Philippines - Dalawang tripulanteng Pinoy ang nasawi matapos na masunog at sumabog ang sinasakyang oil tanker habang naglalayag malapit sa Yangtze River sa China noong Linggo.
Inatasan na kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Emba hada ng Pilipinas sa Beijing na makipag-ugnayan sa manning agency ng dalawang Pinoy at upang magbigay ng assistance sa 11 Pinoy seamen na nakaligtas.
Base sa report, na-trap ang dalawang Pinoy crew sa loob ng cabin nang magliyab ang Panama-flagged MV Golden Crux 18, isang liguefied gas tanker.
Mabilis namang nakaalis sakay ng lifeboat ang 12 crew na kinabibilangan ng 11 Pinoy at isang Burmese gamit ang lifeboat palayo sa nag-aapoy na barko.
Walang kargang gas ang naturang barko nang maganap ang sunog.
Bunga ng pagkalat ng apoy sa barko ay isang malakas na pagsabog ang narinig sa engine room.
Martes na ng mapatay ang apoy subalit patuloy umanong may maitim at makapal na usok na lumalabas sa barko.
Patungo na sa South Korea ang 95-metrong haba na tanker mula sa Nantong, Jiangsu, China upang magkarga ng liguefied petroleum gas.
- Latest
- Trending