BANGUED, Philippines – Hindi na ligtas ang mga mamamayan sa Barangay Ca lab sa lalawigang ito dahil sa pagsulpot ng mga armadong lalaki na pawang nakasuot ng uniporme ng militar.
Ito ang sinabi ni Ernesto B. Dalit, residente ng Sitio Pagaoay matapos magkaroon ng hindi magandang karanasan sa mga nasabing armadong lalaki na pawang nakasuot ng uniporme ng Special Action Force na kumakatok sa mga kabahayan kapag hatinggabi at itinututok ang kanilang mga mahahabang baril na pawang may nakarolyong P1,000 sa dulo bago itatanong ang pangalan ng mga botante.
Naglakas-loob si Dalit na lumutang upang lumabas ang katotohanan matapos ang hindi magandang karanasan sa kamay ng mga tauhan ng “SAF.”
Noon anyang Marso 30, aabot sa 10 lalaki, apat sa mga ito ay nakasuot ng bonet o “kulpong” sa Ilocano, at nakasuot ng uniporme ng SAF, ang dumating sa kanyang bahay lulan ng trak ng militar at isa-isang tinanong ang mga pangalan ng mga boboto.
Matapos makumpleto ang listahan, binigyan umano sila ng mga armadong lalaki ng tig-P1,000 at sinabing: “Inted ni Ryan sa para meryenda (Mula ito kay Ryan para pangmeryenda nyo).”
Si Ryan ay ang kandidato sa pagkaalkalde na si Ryan S. Luna. Ang nagrereklamong Si Dalit ay isa sa political leader ni Banued Mayor Dominic Valera.
Sinabi pa ni Dalit na makalipas ang dalawang minuto, isa pang lalaki na nakasuot din ng ‘kulpong’ ang sumulpot at bigla na lang siyang hinataw ng dulo ng mahabang baril sa kanang bahagi ng kanyang ulo. Inakusahan siya ng lalaki na namamahagi ng pera mula sa isang kandidato.
Tinakot din siya at kanyang mga kasama ng mga armadong lalaki na sasaktan kapag gumalaw.