MANILA, Philippines - Pinawi ng Phivolcs ang pangamba ng taumbayan sa posibleng pagkakaroon ng tsunami sa bansa makaraan ang magnitude 7.8 lindol sa Indonesia kahapon ng umaga.
Ayon kay Mylene Enriquez ng Phivolcs, walang dapat na ikatakot ang publiko sa inaasahang tsunami dahil wala silang nakikitang indikasyon o mga palatandaan na maaari itong maganap sa Pilipinas.
Anya, karaniwan ang isang tsunami alert ay agad naisasapubliko matapos ang isang malakas na lindol. Kapag may magaganap na tsunami sa loob lamang ng limang minuto ay may tsunami alert nang maipalalabas.
Gayunman, sinabi ni Enriquez na bagamat walang ulat na nasalantang ari-arian, posible naman ang aftershocks.