MANILA, Philippines - Nakalabas na kahapon sa St. Luke’s Medical Center si First Gentleman Jose Miguel Arroyo at sinundo mismo ito ni Pangulong Arroyo.
Sinabi ni Dr. Juliet Cervantes sa pinakahuling medical bulletin, remarkable ang mabilis na paggaling ni FG Arroyo matapos itong maospital noong nakaraang linggo dahil sa pananakit ng likod at hirap sa paghinga.
Pinayuhan naman ni Dr. Cervantes si FG na iwasan muna ang pagbubuhat ng mabibigat na bagay, pagkain ng maalat, matataba at pagkaing mataas ang calories para maiwasan ang pagtaas ng kanyang blood pressure.
Inirekomenda din na regular na sumailalim sa rehabilitation ang Unang Ginoo sa ospital.
Samantala, aalis ngayon si Pangulong Arroyo patungong Hanoi, Vietnam upang dumalo sa ASEAN Summit.
Itinalaga si Vice-President Noli de Castro bilang caretaker ng gobyerno.