MANILA, Philippines - Ang pagtugon sa pangangailangan ng mahihirap na residente ng Maynila ang isa sa prayoridad sa plataporma de gobyerno ng kandidatong mayor dito na si dating Philippine National Police Chief Sonny Razon.
Kabilang sa prayoridad na programa ni Razon ang sapat na gamot at ibang pasilidad sa mga ospital sa Maynila, pagpapahusay sa mga pampublikong paaralan, pagpapaunlad sa kultura at turismo, at bagong imprastruktura.
Sinabi ni Razon na ang mga programang ito ay alinsunod sa pagtataguyod niya sa tunay na alternatibong pagbabago sa Maynila lalo pa at dumarami ang mahihirap na Manilenyo.
Si Razon na tinaguriang kandidato ng pagbabago ay direktang nagpaparating ng kanyang mensahe sa mga botante sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa kanila at pagbabahay-bahay.