Disqualification vs Hagedorn ibinasura ng Comelec

MANILA, Philippines - Ibinasura ng Commission on Elections ang disqualification case laban kay Puerto, Princesa Mayor Edward Hagedorn dahil sa kawalan ng merito.

Nag-ugat ang kaso matapos na hilingin ni Eva Ponce sa Comelec noong Enero 18, 2010 na idiskwalipika si Hagedorn sa pagtakbong Mayor ng Puerto Princesa dahil sa natapos na nito ang three-term limit.

Sa petition ni Ponce malinaw umano ang nakasaad sa Section 8 Article X ng Constitution na ang termino ng elective officials maliban sa barangay officials ay tatlong taon lamang at hindi maaaring lumampas sa mahigit sa three consecutive terms. Iginiit ni Ponce na si Hagedorn ay elected official at nagsilbi na ng three consecutive terms, una noong 2002 recall elections, noong 2004 matapos itong muling mahalal at 2007 elections.

Nilinaw naman ni Commissioner Rene Sarmiento na siyang sumulat ng resolution hindi maaring idiskwalipika si Hagedorn sa pagtakbo sa May 10 elections dahil ang recall elections ay hindi sakop sa probisyon ng Konsti­tusyon kaugnay sa three consecutive term.

Iginiit ni Sarmiento na ang subsequent election tulad ng recall election ay hindi sakop ng probisyon dahil sa ito ay hindi immediate reelection matapos ang three consecutive terms at ang intervening period ay nagdudulot ng involuntary interruption sa pagtutuloy ng serbisyo.

Dahil dito kayat hindi maaring gawing basehan ang recall election para ipadiskwalipika ang isang kandidato kahit pa nakapagsilbi ng siyam na taon o full term limit ang isang kandidato. (Gemma Garcia)

Show comments