MANILA, Philippines - Naitala kahapon ang pinakamainit na panahon sa Metro Manila na pumalo sa 36.1 degrees celsius ganap na ala-1:50 ng hapon.
Ayon kay Nathaniel Cruz, Chief ng weather bureau branch ng PAGASA, naungusan ng init ng panahon kahapon, ang init ng panahon noong Marso 6, 2010 na umabot sa 35.8 degrees celsius.
Bunsod nito, sinabi ni Cruz na ibayong pag-iingat ang gawin ng publiko dahil kapag ganitong mainit ang panahon, maraming uri ng sakit ang maaaring lumitaw tulad ng mga skin diseases, ubo, sipon, heat stroke at iba pa.
Ang pag-init ng panahong ito anya ay panimula pa lamang ng sobrang init ng panahon dala ng summer dry season na sinabayan pa ng El Nino phenomenon na magtatagal hanggang sa mga unang linggo ng Hunyo ng taong ito. Matagal anyang papasok ang tag-ulan sa taong ito dahil hindi agad aalis ang El Nino sa bansa. (Angie dela Cruz)