MANILA, Philippines – “Halikayo at sasamahan ko kayo sa bahay namin sa Tondo.”
Ito ang hamon ni Sen. Manny Villar kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party upang personal na makita ng huli ang lugar kung saan lumaki sa hirap ang Nacionalista Party standard-bearer.
Ang hamon ay buwelta sa bintang ni Aquino na hindi raw talaga lumaki sa hirap si Villar na isang pahayag na ikinadismaya ng pamilya ni Villar lalo ng kanyang ina.
“Hinahamon ko sila, kahit si Noynoy, at sasamahan ko sila sa bahay namin sa Tondo. Ipapakita ko sa kanya kung paano kami namuhay doon, kung paano kaming magkakapatid ay nagtabi-tabi sa isang banig, sa ilalim ng isang kulambo. Hindi kami sa hacienda, subalit sa sala (kami natutulog),” pahayag ni Villar sa isang pulong-balitaan.
Kasunod nito, sinabi ni Villar na dapat ding samahan siya ni Aquino sa Hacienda Luisita upang personal na makita niya ang lugar ng masaker noong 2004.
“Ako naman eh willing akong samahan siya sa Tondo, samahan lang niya ako sa Hacienda Luisita pagkatapos. Kasi naman ang mga pinatay na farmers doon eh nakakaawa naman,” pahayag ni Villar sa panayam ng DZMM.
Idiniin ni Villar na siya ay ipinanganak at lumaki sa isang bahay sa looban ng squatter’s area sa kanto ng Moriones St at Sta. Maria St., Tondo na hanggang ngayon ay nananatiling isa sa lugmok na mga lugar sa Maynila.
Aniya, lahat ng kanyang mga kapatid ay doon din ipinanganak at inalagaan ng kanyang ina na nagtiis at nagsikap sa pagtitinda ng hipon sa Divisoria.
Sinabi pa ng dating Senate President na gusto niyang maramdaman ni Aquino kung paano lumaki sa isang lugar tulad ng Tondo partikular sa Moriones kung saan siya lumaki.
“Gusto kong makita niya ang diperensya sa paglaki ng isang taong ipinanganak na mahirap at isang taong ipinanganak na mayaman at may lupa,” aniya.