MANILA, Philippines - Bumilis na ang paglilimbag ng mga balota dahil bukod sa pagdating mula sa bansang Japan ng karagdagang printing machine ay tuloy-tuloy pa rin ang produksiyon ng balota sa National Printing Office (NPO) kahit deklaradong holiday.
Ito ang tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) kasabay ng pahayag ni Commissioner Gregorio Larrazabal na kumpiyansa sila na makukumpleto ang printing ng mga balota bago pa ang itinakdang deadline sa Abril 25 bago ang May 2010 elections.
Katunayan aniya, sa kasalukuyan ay umaabot na sa 31,284,784 ballots ang naililimbag ng NPO. Ito’y dahil sa nalagpasan na ang quota na dapat mailimbag na balota kada araw.
Ang dating walong daang libong balota na target sa bawat araw, sa nakalipas lamang na 24 oras ay umabot sa 957,182 ballots ang kanilang nagawa, na maaring magpatuloy pa ang pagbilis ng imprenta gamit ang limang printing machine. (Ludy Bermudo)