752 kasong estafa, illegal recruitment vs ex-solon
MANILA, Philippines - Tambak na arrest warrants ang naghihintay kay dating Kongresman Jaime Zarraga dahil sa patung-patong na kaso ng estafa at illegal recruitment.
Napag-alaman sa National Bureau of Investigation na may kabuuang 752 arrest warrant laban kay Zarraga sa magkakaibang kasong kriminal sa ibat-ibang parte ng Pilipinas kasama na dito ang sa illegal recruitment at estafa sa iba’t-ibang korte sa Makati, Manila at Pasig at maging sa Nueva Vizcaya at Iloilo.
Karamihan rito ay nagmula sa 636 bilang ng kaso ng illegal recruitment na isinampa laban kay Zarraga bilang may-ari ng United Effort Manpower and General Services, Inc. sa Makati City dahil sa paniningil na lagpas sa itinakda ng batas.
Hindi naihain ng NBI ang mga nasabing warrant sa mahabang panahon dahil sa pag-aakalang umalis na ng bansa si Zarraga upang magtago.
Kamakailan lamang ay natuklasan ng NBI na nasa Maynila lang pala ang dating mambabatas at nakilala siya na isa sa mga kumakatawan sa broadcasting companies na Voice of Manila Broadcasting Corp. (VOM) at Exodus Broadcasting Corp.
Naaresto si Zarraga habang dumadalo sa isang pagdinig sa kaso na kanyang isinampa laban sa National Telecommunications Commission (NTC) tungkol sa napipintong paglalatag o paggagawad ng komisyon ng 3G frequency.
Sinasabi ng VOM at Exodus na hindi maaaring igawad ng NTC ang huling natitirang 3G frequency sapagkat sila ang may provisional authority o sila ang may karapatan upang gumamit nito.
Ngunit ayon naman sa NTC, maari nilang bawiin ang mga nasabing frequency sapagkat hindi nila ito ginamit sa panahong itinakda para sa kanila at wala din silang prangkisa mula sa Kongreso upang magamit ang kanilang frequency para sa broadband wireless technology.
Nabatid na si Zarraga, na kasalukuyang tumatakbo at nominado sa Hanay ng Aping Pinoy (HAPI) Partylist, ay inatake sa puso kaya naisugod ito sa PGH bago inilipat sa Manila Doctor’s Hospital noong Marso 31 matapos dakpin habang dumadalo ng hearing sa Pasig court. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending