MANILA, Philippines - Nasagip lahat ang 19 tripulanteng Pinoy na sakay ng isang lumubog na cargo vessel sa Spain kamakalawa.
Sa report na tinanggap ng Department of Foreign Affairs sa Embahada ng Pilipinas sa Madrid, tumaob nitong Lunes ang Barbados-registered cargo vessel Kea bunga ng hindi nakayanang malakas na hangin at matataas na alon habang binabaybay ang karagatang sakop ng Cape Villano sa Galicia, Spain.
Patungo sa Columbia ang barko mula St. Petersberg, Russia nang suungin nito ang masungit na lagay na panahon.
Nasagip ng rescuers ang may 22 sa 24 crew kabilang ang 19 Pinoy seamen habang nawawala pa ang dalawa.
Ang Kea ship na may kargang ammonium nitrate ay tuluyang lumubog noong Martes ng hapon habang isinasagawa ang rescue and search operations sa dalawa pang nawawalang tripulante.
Inatasan na ng DFA ang Embahada na agad na tingnan ang kalagayan ng 19 Pinoy upang matiyak na maayos ang kanilang kondisyon at iproseso agad na ang pagpapauwi sa kanila sa Manila.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na ang natapon sa karagatan na ammonium nitrate ay hindi delikado sa kapaligiran o sa karagatan dahil ang substance nito ay idineklarang “very soluble”. (Ellen Fernando)