MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon sa Office of the Ombudsman ang Crusade Against White Collar Crime na magpalabas na ng suspension order laban kay Manila Mayor Alfredo Lim, Vice Mayor Isko Moreno at 20 konsehal ng lunsod kaugnay ng kaso nilang graft and corruption na isinampa ni anti-graft Lawyer Reynaldo Bagatsing na may kinalaman sa umano’y “paluging” pagbenta sa Century Park Sheraton.
Ginawa ni CAWCC-Manila Chapter Chairman Marlon Lopera ang panawagan makaraang mapaulat ang pahayag ni Assistant Ombudsman Jose de Jesus na hindi saklaw ng election ban ang mga kasong graft.
Sinabi ni Lopera na nangangamba ang mga Manilenyo na, hangga’t nakaupo ang mga akusado sa kani-kanilang mga posisyon, hindi malayong magamit nila ito partikular ang ‘pondo ng bayan’ ngayong kasagsagan na ng pangangampanya sa halalang lokal.
“Kung ang pamunuan po ng Office of the Ombudsman ay maagap na magbababa ng suspension order laban sa mga akusado, malaking bagay po ito para sa interes ng publiko dahil malilimita po sila na gamitin ang pondo ng bayan para sa kanilang pangangampanya,” paliwanag ni Lopera.