P1-bilyong lobby fund dapat ipaliwanag ni Mar - Suplico
MANILA, Philippines - Hiniling ni dating Congressman at Iloilo Vice Governor Rolex Suplico na ipaliwanag ni Senador Mar Roxas ang P1 bilyong lobby fund na sinasabing ibinigay ng multinational drug companies para mapahina at di umano masyadong bumaba ang presyo ng gamot sa bansa.
“May kinalaman ba ito sa pagsisikap ni Roxas na palambutin ang Cheaper Medicine Act?” tanong ni Suplico na unang naghain ng cheaper medicine bill sa mababang kapulungan ng Kongreso sa panahon ng 11th Congress.
Sinabi ni Suplico na ang naturang lobby fund ay naibulgar na ni Party-list Rep. Rissa Hontiveros-Baraquel na ngayon ay tumatakbong senador sa ilalim ng Liberal Party.
Si Roxas na sinasabing isang Ilonggo pero ipinanganak, nakatira at rehistradong botante sa Quezon City ay tinanggihan ang kanyang cheaper medicines bill noong kalihim pa ng Trade and Industry ang senador.
Sinasabing ginawa umano ang lahat ni Roxas na maalis ang automatic price regulation ng mga piling gamot na nakatala sa Philippine Drug Formulary at gawin lamang na optional o iilang gamut lamang ang maibaba ang presyo.
Dahil dito, ang Cheaper Medicines Act ay nagbibigay lamang ng 50 percent na bawas sa halaga ng 22 essential drugs hindi tulad ng Suplico bill na nagbibigay ng 80-90 percent ang bawas sa halaga ng may 1,500 gamot. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending