MANILA, Philippines - Hindi magdedeklara ng ceasefire o tigil-putukan ang Armed Forces of the Philippines laban sa New People’s Army, Abu Sayyaf at iba pang rebeldeng grupong kalaban ng pamahalaan ngayong Semana Santa.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP- Public Affairs Office Chief Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. alinsunod sa direktiba ni AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit .
Sinabi ni Burgos na hindi nila tatantanan ang mga rebelde kaugnay ng ultimatum na tuldukan ang problema laban sa mga ito bago magtapos ang termino ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo .
Ayon kay Burgos, tuluy-tuloy ang opensiba ng mga sundalo ngayong Semana Santa upang hindi makapagsamantala ang mga rebeldeng grupo sa paghahasik ng terorismo lalo na sa mga kanayunan.
Aniya, maari namang magdasal ang mga sundalo bago at matapos ang operasyon kada araw para magsilbing gabay ng mga ito sa kanilang misyon.
Samantala, umaabot na sa apat na bandido ang napaslang ng tropang gobyerno matapos na makubkob ang isang malaking kampo ng Abu Sayyaf sa mahigit na isang oras na engkuwentro sa Barangay Panglahayan, Patikul, Sulu, ayon sa opisyal kahapon.
Kinumpirma ni AFP-Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino na maliban sa isang narekober na bangkay ay tatlo pa ang karagdagang nasawi sa bakbakan sa lugar nitong linggo.
Pinaniniwalaan namang Sub-Commander ni Abu Sayyaf Radulan Sahiron ang narekober na isang bangkay.
Ang nakubkob na malaking kampo ay siyang pinagkukutaan ng tinatayang 50 armadong bandido na pinamumunuan ni Commander Sahiron.
Sa nasabing bakbakan ay nasugatan ang dalawang tauhan ng Philippine Marines.