Gov't privatization 'wag madaliin - Gibo
MANDAUE CITY, Cebu, Philippines - Iginiit kahapon ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert Teodoro Jr. na dapat magdahan-dahan ang gobyerno sa privatization nito sa P290 bilyong government assets.
Sinabi ni Teodoro, hindi dapat inaapura ang pagbebenta ng Philippine National Oil Company (PNOC), Food Terminal Inc. (FTI) at Fujimi property kung saan ay tinatayang aabot ng P30 bilyon ang mapagbebentahan nito.
Wika pa ni Gibo, dapat ay ipaubaya na lamang ng gobyerno ang pagdedesisyon sa susunod na administrasyon kung nararapat ang pagsasapribado nito upang hindi magdulot muli ng kontrobersya sa Arroyo administration.
“I am not familiar with the assets, but for me, prudence is the order of the day, be prudent and exercise utmost conservative judgment,” wika pa ni Teodoro na iprinoklama ng One Cebu Party kamakalawa ng gabi bilang susuportahang presidential candidate ng nasabing partido na ginanap sa Cebu International Convention Center sa lungsod na ito.
Idinagdag pa ni Teodoro, bagamat makakatulong sa pagkakaroon ng pondo ang gobyerno ang nasabing pagbebenta ay hindi angkop na isagawa kaagad ito dahil siguradong lilikha na naman ito ng panibagong kontrobersya at aakusahan na panibagong midnight deal ng Arroyo government.
Inaasahan ng gobyerno na aabot sa P293 bilyon maibebenta nito ang PNOC, FTI property at Fujimi property sa Tokyo, Japan. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending