Mar 'pekeng' awtor ng Cheaper Medicine Bill
MANILA, Philippines - Nagsinungaling umano si Liberal Party vice presidential bet Sen. Mar Roxas hinggil sa isyu ng murang gamot dahil ito ay para lamang sa interes ng multinational companies at hindi ng ordinaryong mamamayan.
Ayon kay dating congressman at ngayon ay Iloilo vice Gov. Rolex Suplico, ito ay nang magpalabas ng press statement si Roxas noong Marso 25 na nagsasabing siya ang “primary author” ng Cheaper Medicine Act na nagbibigay ng mababang presyo sa may 200 gamot.
Ayon kay Suplico, hindi anya maaaring matawag na ama ng Cheaper Medicine Act si Mar dahil ang bill na sinasabi ni Roxas na bago pa man ito maging senador ay ang bill na naisampa niya noong 14th Congress (SB 101), na tinawag na Suplico bill na na-refiled ni Rep. Ferjenel Biron at inadopt ng Kamara na nagsasaad ng automatic price regulation sa may 1,500 gamot at hindi sa 200 lamang na gamot at ang record nito anya ay makikita sa Department of Health.
Niliwanag ni Suplico ang nangyari dahil sa pakikialam umano ni Roxas sa bill, umabot lamang sa 45 gamot sa ngayon ang may mababang presyo at hindi ang sinasabing 200 gamot at hindi nasunod na maibaba ang presyo ng mahigit 1,500 gamot na orihinal na saad ng bill na para sana sa mahihirap na mamamayan.
Binulgar pa ni Suplico na dapat sana ay 80 hanggang 90 percent ang discount sa pagbili ng mga murang gamot pero sa pakikialam ni Roxas ito ay nagkaroon lamang ng 50% discount.
“I coined the name ‘cheaper medicines’ law, not Mar,” pahayag ni Suplico.
May mga ulat na ang multinational companies ay naglaan ng P1-bilyon lobby fund, na binulgar noon ni Party-list representative Riza Hontiveros-Baraquel para magkaroon ng price control sa presyo ng gamot.
Binunyag din ni Suplico na ginawa ni Roxas ang lahat para mabago umano ang original proposal hinggil dito sa pamamagitan ng pagbabanta na walang makakalusot na cheaper medicine bill hanggat siya ang Senate trade committee chairman.
Inihalimbawa din ni Suplico na ang gamot na Lipitor, na nagpapababa ng cholesterol ay may halagang P22 ngayon mula P44 makaraang maipasa ang batas, pero dapat ang tunay na halaga lamang nito ay P4.40 bawat isa. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending