Labi ng Pinay na pinatay sa Singapore, naiuwi na
MANILA, Philippines - Naiuwi na kahapon sa bansa ang mga labi ng Pinay na brutal na pinatay sa Singapore.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang bangkay ni Roselyn Reyes Pascua, 30, isa umanong entertainer sa Singapore at tubong Sta. Cruz, Laguna ay dumating sa Manila sakay ng Cebu Pacific Airlines flight 5J-508 mula Singapore.
Sa report ng Singapore Police, si Pascua ay natagpuan noong Marso 15, 2010 na tadtad ng tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan sa loob ng inuupahang apartment sa Peony Mansion sa Bencoolen St. dakong alas-3:35 ng madaling araw.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, posibleng pinagnakawan muna si Pascua bago pinatay. Hinihinala rin na ginahasa ito.
Ayon sa Singapore Police Force, isang 34-anyos na Indian national na suspek sa pagpatay sa Pinay ang nasampahan na ng kasong murder sa Subordinate Court 26 noong Marso 19 matapos na maaresto sa bisinidad ng Kitchener Road sa Little India noong Marso 17.
Sa rekord ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore, si Pascua ay pumasok sa nasabing bansa noong Pebrero 3, 2010 bilang turista at ini-extend ang kanyang social visit pass hanggang Abril 4, 2010. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending