Bar topnotcher, anak ng retired pulis
MANILA, Philippines - Panalangin at tiyaga ang naging susi ng topnotcher sa 2009 Bar exam na si Reinier Paul R. Yebra, ng San Beda College of Law.
Sinabi ni Yebra na malaking papel sa kanyang buhay ang adhikain ng San Beda College na “prayers and hardwork” kaya narating niya ngayon ang kanyang puwesto matapos ang mahirap na pagsusulit.
Si Yebra ang nakakuha ng 84.80% average mula sa 5,903 examinees na nagmula sa 108 law schools sa bansa subalit pinalad lamang ang 1,451 na makapasa sa kabila ng pagpababa na ng passing percentage mula sa 75% na ginawa na lamang na 71%.
Noong una ay hindi pa umano makapaniwala si Yebra nang tawagan siya ng isa sa kanyang guro na siya ang topnotcher dahil kuntento na umano siya na makapasa lamang subalit ang maging topnotcher ay isang malaking bonus pa.
Si Yebra ay kasalukuyang namamasukan sa isang law firm sa Taguig City. Anak siya ng isang retired police provincial director sa Camarines Norte habang dean sa College of Nursing sa kanilang lalawigan ang ina nito.
Bagamat palaging may nakakasaling top ten sa San Beda College, ngayon lang muli nito nasungkit ang top one, sa nakalipas na 43 taon o noong 1967 nang huling nanguna ang SBC na si Rodolfo D. Robles, alumnus ng San Beda College. (Gemma Garcia/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending