MANILA, Philippines - Sinopla kahapon ng Malacañang si dating Pangulong Fidel Ramos matapos nitong igiit na dapat isulat pa sa papel at lagdaan ni Pangulong Arroyo ang pangako niya na magiging tahimik at maayos ang pag-alis niya sa Palasyo sa pagtatapos ng kaniyang termino.
Sa isang radio interview, sinabi ni Presidential Spokesman Ricardo Saludo na wala namang basehan ang panawagan ng dating Pangulo dahil hindi rin naman niya (FVR) ginawa ang pagsulat sa papel at paglagda dito bago siya bumaba sa puwesto.
Sinabi ni Saludo na hindi niya maintindihan kung bakit pati ang pagbaba sa puwesto ni Pangulong Arroyo ay kailangan pang daanin sa black and white o kaya ay executive order gayong hindi naman ito ginawa ni FVR.
“Hindi natin maunawaan bakit bigla niya (FVR) hinihingan si Pangulong Arroyo (na sumulat pa sa papel). Noong siya bumaba sa pwesto, meron ba siyang EO na pinirmahan para ipabatid na bababa na siya? Wala naman,” sabi ni Saludlo.
Naniniwala si Saludo na hindi na kailangan pang isulat sa papel ang commitment ng Pangulo na bababa siya sa puwesto matapos ang Hunyo 30 dahil nakasaad sa Konstitusyon kung kailan dapat bumaba ang Pangulo at tiyak na susundin niya ito. (Malou Escudero)