MANILA, Philippines - HindiI pa man tuluyang naidedeklara ang summer vacation nadoble na ang bilang ng mga pasahero sa barko pauwi sa kani-kanilang lalawigan para doon magdaos ng Mahal na Araw.
Sinabi ni Philippine Coast Guard Commandant Admiral Wilfredo Tamayo, kung sa ngayon ay nasa 100 porsyento na ang itinaas ng bilang ng mga pasahero, inaasahan na umanong mas tataas pa ito sa sandaling magbakasyon na sa klase.
“Many students travel home to their provinces to spend the Holy Week with their family,”ani Tamayo.
Ayon kay Tamayo, sa ordinaryong panahon ay umaabot sa 700-800 pasahero ang sumasakay sa Negros Navigation Shipping Lines vessel M/V St. Joseph subalit sa isinagawang huling inspeksiyon ng PCG, umabot na sa 1,700 ang pasahero ng kada barko.
Sinabi ni Tamayo na maglalagay sila ng karagdagang personnel sa mga daungan na kadalasang dinadagsa ng pasahero na kinabibilangan ng Port of Batangas, Caticlan, Lucena at Cebu.
Pinayuhan din ni Tamayo ang publiko na maglaan ng dalawang oras na palugit bago ang nakatakdang biyahe ng barko upang matiyak na makasasakay at para mapigilan ang overloading ng mga naghahabol pang sumakay. (Ludy Bermudo)