MANILA, Philippines - Umaabot sa 150 child warriors na edad 12-17 anyos ang na-recruit ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa buong bansa sa unang semestre ng taon base sa nakalap na ulat ng Armed Forces of the Philippines.
Kasabay nito, nanawagan si Major Eugenio Julio Osias IV, Group Commander ng AFP-Civil Relations Service, sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang hindi ma-recruit ng mga bolerong rebelde na pinangangakuan na gagawing bayani tulad ng mga superhero at isinasabak sa giyera bilang frontliners ng NPA rebels laban sa tropa ng mga sundalo.
Aniya, isa itong lantarang pagsira sa kinabukasan ng mga bata na sa halip na nagsisipag-aral ay sinasanay sa paghawak ng baril at pagtatanim ng landmine na lubhang delikado.
Kabilang sa na-recruit ng NPA sa unang bahagi ng taong 2010 ang 15-anyos na batang lalaki mula sa Makilala, Cotabato, tatlo sa Quezon, Bulacan at Compostela Valley na narekober ng tropang militar.
Ang nasabing 15-anyos ang ginamit ng mga rebelde sa landmine attack sa convoy ng Army’s 602nd Brigade sa Brgy. Old Balatukan, Makilala, North Cotabato noong Marso 15, 2010.
Dalawa sa mga child warriors ay nasawi sa encounter matapos gawing frontliner habang ang 13-anyos na amasona na itinago sa pangalang Julia ay kabilang sa 13 rebelde na nadakip ng 25th Infantry Battalion (IB) sa Monkayo, Compostella Valley noong Marso 7 ng taong ito. (Joy Cantos)