Verzosa 'di sisibakin
MANILA, Philippines - Sa kabila ng sinasabing iringan, tiniyak kahapon ni National Police Commission (Napolcom) Chairman Ronaldo Puno na hindi sisibakin ni Pangulong Arroyo si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Jesus Versoza.
Ito ang inihayag ni Puno sa oath-taking ceremony nina bagong Napolcom commissioners Alejandro Urro at Constancia de Guzman. Kasama ni Puno si Verzosa sa naturang okasyon kahapon.
“Itaga ninyo sa bato, hindi maaalis si Verzosa sa pagiging Chief PNP,” pagtiyak pa ni Puno kasabay ng pagtanggi na may malalim na hinanakit ang Pangulo sa hepe ng pambansang pulisya.
Hanggang Disyembre pa ngayong taon ang termino ni Versoza kung saan inaasahang magsisilbi pa rin ito sa bagong Pangulo ng bansa na mahahalal sa Mayo.
Kabaligtaran naman ni Verzosa, tiniyak ni Puno na lilisanin niya ang puwesto sa Napol com at bilang kalihim ng DILG sa pagpapalit ng pamunuan ng bansa. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending