Kandidato na kakasuhan ng Comelec ihahayag sa Holy Week

MANILA, Philippines - Plano ng Commission on Elections (Comelec) na sa mismong Holy Week isapubliko ang kumpletong listahan ng mga kandidato na kanilang kakasuhan dahil sa pag­labag sa mga ipinatutupad nilang rules sa panga­ngam­panya tulad ng air time limit at tamang laki ng posters.

Ayon kay Comelec Law Department Head Atty. Ferdinand Rafanan, plano nilang sa Mahal na Araw mismo isiwalat ang pangalan ng mga naturang kandidato na bumabalewala sa mga babala ng poll body, para magkaroon aniya ang mga ito ng pagkakataon para magsisi.

Ang pahayag ay ginawa ni Rafanan ma­tapos ang natanggap na ulat na may mga Presidential bets na ang lumampas sa 120 minutes na air time limit.

Sinabi ng Comelec official na magugulat na lang ang mga kandidato sa sandaling ilabas nila ang listahan ng mga violators.

Nilinaw naman nito na hindi lamang naman Presidential bets ang kanilang kakasuhan, kundi lahat ng kan­didato na lumabag rin sa election rules tulad ng itina­takdang laki ng mga posters at billboards.

Nirerepaso na ng Comelec ang advertising logs ng mga TV network na siyang gagamiting basehan para ma­diskuwalipika ang isang kandidato.

Pansamantala ring hindi muna ibinunyag ni Rafanan ang mga pangalan ng mga naturang kandi­dato dahil hinihintay pa nila ang kumpletong listahan ng mga ito. (Mer Layson)

Show comments