MANILA, Philippines - Isinugod kahapon ng umaga sa ospital si First Gentleman Mike Arroyo matapos makaramdam ng matinding pananakit ng likod at hirap na paghinga na may kaugnayan sa sakit niya sa puso.
Dinala sa St. Lukes Medical Center sa Global City sa Taguig City ang Unang Ginoo bandang alas-8:00 ng umaga at ayon kay Dr. Rommel Carino, cardiologist ni FG, nakaranas ang Unang Ginoo ng re-dissection ng thoracic aorta at kailangang dumaan sa matinding gamutan at monitoring sa kanyang blood pressure at heart rate.
Papunta na sana si Pangulong Arroyo sa Prosecutor’s League of the Philippines sa Manila Hotel subalit bumalik ito ng Palasyo kaya nakansela maging ang ibang aktibidad ng Pangulo upang mabantayan ni Mrs. Arroyo ang asawa.
Si FG ay una nang sumailalim sa triple bypass operation at open-heart surgery noong 2007 dahil sa dissecting aortic aneursym.
“The condition calls for intense care to control the blood pressure and heart rate to prevent further re-dissection. A rupture can cause compression of the blood supply to various vital organs. He is under continous monitoring in the coronary care unit of St. Luke’s Global City. Right now, we are controlling the vital signs and back pains,” wika ni Dr. Carino.
Noong 2006 unang sumailalim ito sa angioplasty procedure kung saan tinanggal ang bara sa kanyang puso
Samantala, 2007 nang i-emergency ito sa Maynila mula sa Baguio matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan dahil mayroon na pala siyang punit sa isang blood vessel sa puso kaya sumailalim siya sa open heart surgery.
November 2008 naman ng mag-emergency landing sa Japan papuntang Peru ang sinasakyang eroplano ni FG sa muling pagsama ng kanyang pakiramdam.
Kahapon ang ika-apat na pagsumpong ng kanyang sakit.
Sa pinakahuling medical bulletin, stable na pero patuloy na binabantayan ang kalagayan ni FG.