MANILA, Philippines - Isang hepe ng Airport Emergency Operations Center ang kinasuhan ng dalawang miyembro ng Philippine National Police-Aviation Security Group at isang miyembro ng Civil Aviation Security Bureau-Office for Transportation Security.
Ayon sa ulat, paglabag sa Revised Penal Code ang isinampa sa Pasay City Prosecutor’s Office ni Joselette Ramos, ng CASB OTS laban kay Airport Police Capt. Manuel Wong, hepe ng EOC.
Sa Ombudsman naman nag-file ng kaso laban kay Wong at Cpl. Jesus Balantac sina PO1 Raymund Buenaobra at PO1 Ulysses Tamayo.
Sinabi ni Ramos na isang Security Screening Officer sa Departure Area ng NAIA Terminal 1 na ipinatawag siya ng Administrative Officer ng CASB OTS dahil sa report ni Wong na nag-aakusa sa kanya ng pag-escort sa hinihinalang tourist worker noong Disyembre 26, 2009.
Pinabulaanan ni Ramos ang akusayon dahil ang tinutukoy na suspected tourist worker ay pamangkin ng una na na-off load ng Singapore Airlines dahil may problema ang passport.
Dahil sa maling akusasyon ni Wong, nalagay sa kahihiyan si Ramos at nasira ang kanyang reputasyon na nakaapekto sa kanyang trabaho. Idinagdag pa ni Ramos na sa loob ng 15 taong panunungkulan ay wala siyang nilabag na alituntunin ng MIAA.
Ibinase naman nina PO1 Buenaobra at PO1 Tamayo ang pagsasampa ng kaso laban kay Wong at Balantac dahil sa malisyosong report ni Balantac na inakusahan ang dalawang pulis ng pag-eescort ng apat na hinihinalang tourtist worker na patungong Singapore .
Ang mga larawan na ini-attach ni Balantac sa kanyang report kay Wong ay hindi anila sapat na ebidensiya upang sila ay akusahang nag-e-escort. (Butch Quejada)