60% ng ballot boxes tapos na
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 60 porsiyento ng mga ballot box ang natatapos gawin ng poll automation service provider na Smartmatic-Total Information Management para sa nalalapit na poll automation.
Ayon kay Gene Gregorio, spokesperson ng Smartmatic, ang unang 20,000 specialized ballot boxes ay una ng nadala sa bansa habang ang 30,000 naman na kamakailan lang natapos ay idedeliver na patungo sa Pilipinas anumang araw mula ngayon.
Magmumula ang mga ito sa Taiwan kung saan ginawa ang mga nasabing ballot box.
Sinabi pa ni Gregorio na posibleng mas mauna pang matapos ang manufacturing ng mga modern ballot box kumpara sa paglilimbag ng mga balota sa National Printing Office.
Magugunitang ilang beses na pinalitan ang disenyo ng mga ito para na rin sa seguridad ng mga balota matapos itong lagyan ng iba’t ibang security markings para at para mai-angkop na rin ito sa precinct count optical scan machine.
Kaugnay nito, batay sa pinakahuling update ng NPO ay umabot pa lamang sa 22, 515, 019 ballots ang kanilang nalilimbag at inaasahan kahapon ay posibleng madala na sa NPO ang karagdagang printing machine na dumating mula sa Japan. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending