Huling 3G Frequency may pananggalang vs hoarding
MANILA, Philippines - Sinisigurado ng National Telecommunications Commission o NTC na ang pag-aaward ng huling 3G frequency ay hindi pagmumulan ng frequency hoarding ng mga kasalukuyang operators o kaya’y maibigay sa mga frequency speculators na nag-aabang lang upang bilihin ang natitirang 3G frequency para lang ibenta sa mas mataas na halaga sa ibang interesadong gumamit nito.
Ayon kay deputy commissioner D. Michael Mallillin sa isang news forum sa Quezon City, naglagay ang NTC ng mga pananggalang laban sa frequency hoarding at frequency speculation upang masiguro na ang makakakuha ng huling 3G frequency ay may tunay na kakayahan na mag-operate ng 3G network upang pasiglahin ang kompetisyon sa kasalukuyang merkado.
Isa sa mga batayan ay ang paghingi ng multibilyon pisong halaga ng performance bond ay upang masiguro na maisasakatuparan ang paglalatag ng 3G network. Tatlong bilyong piso ang aktwal na kapital para maipatupad ito at ipinagbabawal na maibenta ito, o ang pagpapaupa ng frequency at nilagyan din ng mas mahigpit na pamantayan sa aplikasyon ng subsidiaries at sister companies.
Sinabi pa ni Mallillin na magpapataw ng mabigat na parusa ang NTC kung sakaling hindi maipatupad ang maayos na paglalatag ng 3G network at sa walang pahintulot na paglilipat o pagsasalin ng frequency.
- Latest
- Trending