MANILA, Philippines - Kung talaga umanong para sa mahirap sina Sens. Benigno “Noynoy” Aquino III at Manuel Roxas ay dapat ipamigay na ng mga ito ang kanilang malawak na lupain sa naghihirap na mga magsasaka at mamamayan sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ito ang hamon ni Sen. Loren Legarda na nagsabing hindi na dapat ariin pa ni Aquino ang mahigit sa 6,000 ektaryang Hacienda Luisita na labis nang pinakinabangan ng mayamang angkan nito habang naghihirap naman ang mga magsasaka.
Sinabi rin ni Legarda na dapat kalimutan na ng isa ring anak mayamang si Roxas ang mahigit sa 1,600 ektaryang lupain na pag-aari ng pamilyang Araneta-Roxas sa Montalban, Rizal.
Sa isinagawang debate ng vice presidential candidates sa ANC News cable channel, ibinuking ni Legarda ang malawak na lupain ni Roxas at angkan nito na nakabimbin ngayon ang usapin sa Supreme Court (SC).
Nabatid kay Legarda na kabilang rin si Roxas sa hindi bumoto pabor sa pag-apruba ng Senado sa CARP katulad ng kapwa mayamang si Aquino.
Sa debate, mistulang napikon si Roxas sa mga tanong ni Legarda dito kaugnay sa ampaw na Cheaper Medicine Law na pilit inaangkin nito kahit “baklang” bersiyon ang lumusot sa halip na masunod ang bersiyon ng Kamara de Representantes na magpapataw ng automatic price regulation para matiyak ang murang gamot.
Halata rin ang pagka-inis ni Roxas sa pag-ungkat ni Legarda sa pagsuporta ng katunggali sa expanded-value added tax (EVAT) ni Sen. Ralph Recto, senatorial candidate ng LP, na labis na nagpapahirap ngayon sa taumbayan.
Nanindigan si Legarda na hindi puwedeng sabihin ng anak mayamang si Roxas na maka-mahirap ito matapos isulong ang “malamyang” bersiyon ng Cheaper Medicines Law at suportahan ang pahirap na EVAT na nasa likod ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo. (Rudy Andal)