Abu planong mangidnap, mambomba sa eleksyon

MANILA, Philippines - Pinaplano umano ng mga bandidong Abu Sayyaf na mambomba sa mga polling precints habang target ring dukutin ang mga kandidato na nangangampanya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) partikular na sa  Basilan at Sulu kaugnay ng gaganaping halalan sa Mayo.

Kinumpirma ng PNP-Intelligence Group (PNP-IG) na patuloy sa pagkilos ang bandidong grupo upang guluhin ang eleksyon sa kanilang balwarteng mga lugar sa rehiyon.

Ibinunyag ni Chief Supt. Noel Manabat, Deputy Director for Intelligence, isang Abu Benhur ang mamumuno sa mga bandido upang magsagawa ng kidnappings at pambobomba sa halalan.

“While the MILF normally does not endorse any political candidate, some of its members may be employed by some candidates as instruments of terror,” ayon sa opisyal.

Partikular rin nilang bi­nabantayan ang mga lalawigan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao dahil dito may operasyon ang mga bandido.

Hindi rin naman anya nagpapahuli ang mga miyembro ng New People’s Army na patuloy sa panini­ngil ng permits to campaign at to win fees sa Ilocos, Bicol, Central Luzon at Caraga.

Umaabot anya mula P2 milyon-P 5 milyon ang singil ng mga rebelde sa mga kandidato.

Sa hanay naman ng pri­vate armed groups, umaabot pa sa 88 grupo ang aktibo mula sa dating 112.

Ipinagmalaki ni Manabat na nabuwag na nila ang 24 na private armed groups matapos maaresto ang 67 miyembro at makumpiska ang 82 armas.

Magugunita na ang gunban ay ipinatupad noong Ene­ro 10 na tatagal hanggang Hunyo 9, 2010. (Joy Cantos)

Show comments