Solon sinisi sa maruming tubig
OLONGAPO CITY , Philippines – Kontaminado umano ang suplay ng tubig sa dalawang komunidad sa lunsod na ito na proyekto ng isang kilalang kongresista.
Nagbabala ang City Health Office ng Olongapo sa mga residente ng Dumlao, Skipper at Abra St. sa Barangay Barretto at Kalaklan na huwag inumin o gamitin ang tubig mula sa mga PVC pipes na ipinalagay ng naturang kongresista matapos lumitaw sa bacteriological tests na positibo sa coliform ang pinanggagalingan ng nasabing tubig.
Sinabi ng mga health officials dito na ang tubig na dumadaloy patungo sa kanilang lugar ay maaring pagmulan ng mga waterbone diseases tulad ng cholera, typhoid fever, hepatitis at diarrhea.
Ayon naman sa Subicwater, supplier ng tubig sa Olongapo at Subic Freeport, wala silang kinalaman sa water connection na pinagawa ng mambabatas. Ipinasuri ng naturang ahensiya ang mga sample ng tubig mula sa source nito at napatunayan na hindi ito ligtas upang gamitin ng tao.
Kahit walang koordinasyon sa Subicwater at pamahalaang lungsod ay minadali ng mambabatas ang pagpapakabit ng mga tubo upang magkaroon ng tubig sa lugar. Tinatayang mahigit 1,000 pamilya ang target na beneficiaries ng proyekto, karamihan sa mga ito ay pawang mga botante.
- Latest
- Trending