MANILA, Philippines - Residente ng Metro Manila ang karamihan ng Pinoy workers na kinuhang manggagawa ng dayuhang nabigyan ng indefinite stay sa Pilipinas matapos mag-avail ng special visa for employment generation (SVEG) na ibinibigay ng Bureau of Immigration (BI).
Sa kanyang ulat kay BI Commissioner Marcelino Libanan, sinabi ni BI legal officer Cris Villalobos na halos 20,000 Metro Manilans ang naka-empleyo sa 126 foreign businessmen at 86 dependents na nag-avail ng SVEG.
Ipinarating din ni Villalobos, pinuno ng BI-SVEG one stop shop, na kumita rin ang gobyerno ng mahigit P5 million mula sa 485 foreigners at dependents na kumuha ng nasabing visa.
Nagsimula ang BI na ipatupad ang SVEG noong April 2009, o apat na buwan matapos pirmahan ni Pangulong Arroyo ang executive order na nagbibigay ng indefinite stay sa mga dayuhan at dependents na may investment sa business enterprises na nag-e-empleyo ng sampu o higit pang regular at full-time Filipino workers.
Ang SVEG ay inilunsad ng gobyerno para makaakit ng foreign investors sa bansa at makalikha ng trabaho para sa mga Pilipino. (Butch Quejada)