MANILA, Philippines - Hindi nakapasa sa isinagawang training para sa paggamit ng precinct count optical scan (PCOS) machines ang ilang guro na magsisilbing Board of Elections Inspectors (BEIs) sa May 10 national and local elections.
Ayon kay Comelec-NCR Director Michael Dioneda, karamihan sa mga gurong bumagsak sa PCOS test ay pawang may edad na kaya’t hindi na kinaya ang kumplikadong pag-operate sa makina.
Nabatid na nitong Marso ay sinimulan ng Comelec ang pagsusulit upang matukoy kung sino ang mga may kakayahang magpatakbo ng makina sa idaraos na kauna-unahang poll automation sa bansa.
Kahit naman umano bumagsak ang ilang mga guro ay hindi naman tatanggalan ng tungkulin ang mga ito sa eleksyon.
Sinabi ng Comelec official na hindi na lamang itatalaga ang mga ito sa mga malalayong lugar kung saan kakaunti ang bilang ng BEIs at PCOS operator.
Hindi rin aniya pagsasama-samahin sa iisang polling precinct ang mga BEIs na hirap sa pag-operate ng poll machines. (Doris Franche/Mer Layson)