Noynoy ibinisto ng pinsan sa 'Luisita'
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang katotohanan sa mga sinabi ni Liberal Party presidential ber Sen. Noynoy Aquino na ipamamahagi niya sa 2014 sa mga magsasaka ang 6,000 hektarya ng kanilang lupain na saklaw ng agrarian reform na hinaharang ng kanilang pamilya sa Korte Suprema.
Ito’y matapos ilathala ng pahayagang New York Times sa United States ang pag-amin ng isang kamag-anak ni Noynoy na hindi nila ipamamahagi ang lupain sa mga magsasaka, taliwas sa ipinahayag ng pambato ng Liberal Party sa May 10 elections.
Sa panayam ni Carlos Conde, correspondent ng NYT sa Pilipinas, sinabi ni Fernando Cojuangco, pinsan ni Noynoy at chief operating officer ng holding company sa taniman ng tubo sa Luisita, na malabong isuko ng kanilang pamilya ang lupain na hawak nila mula pa noong 1958.
Bagaman kinontra ni Noynoy ang ulat sa NYT na posible umanong nagkamali lamang ang sumulat sa mga sinabi ng kanyang pinsan, nanindigan si Conde na tama at naka-record ang mga inihayag ni Fernando.
Sinabi ni Mariano na nagkamali si Noynoy sa ginawang pangako dahil hindi na nito malilinlang ang mga magsasaka na dapat sanang nakikinabang sa lupain.
Patuloy din umano ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka na napaslang sa hacienda kabilang ang pitong nasawi sa welga noong 2004 at iba pang biktima ng asasinasyon pagkatapos nito. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending