Simbahan tutol sa pagpapapako sa krus
MANILA, Philippines - Tutol ang Simbahang Katoliko sa isinasagawang taunang pagpapapako sa Krus ng ilang deboto sa San Pedro, San Fernando, Pampanga.
Sinabi ni San Fernando, Pampanga Auxiliary Bishop Pablo David, kahit pa humahakot ng libu-libong turista taun-taon ang nasabing aktibidad, wala naman itong magandang naidudulot sa turo ng simbahan.
Ayon sa Obispo, kung sila ang tatanungin ay mas nais nilang tuluyan nang itigil ang taunang pagpapapako sa Krus ng mga deboto, na tinatawag nilang “Cutud”.
Sinabi ni Father Arnulfo Serrano, parish priest ng Santo Niño parish sa Pampanga, hindi nakikilahok ang kanilang Parokya sa pagdaraos ng “Cutud” dahil mahigpit ang pagtutol nila dito.
Idinagdag ni Serrano na hindi naman nila mapagbawalan ang kanilang mga parokyano na nais magpapako sa krus dahil wala namang parusang ipinapataw ang Simbahan sa mga taong nakikilahok dito.
Una nang pinagbawalan ng lokal na pamahalaan ng San Fernando ang mga dayuhan na makilahok sa aktibidad at magpapako rin sa Krus.
Maari na lamang umanong magtungo doon ang mga dayuhan para manood ng Cutud subalit hindi na sila papayagang magpapako. (Mer Layson)
- Latest
- Trending