MANILA, Philippines - Magiging pantay na ang tinatagal na oras ng araw at gabi simula sa Linggo bunga ng magaganap na vernal equinox sa buong mundo.
Ang vernal equinox, ang oras kung saan ang araw ay tumatawid sa equator, ay nangangahulugan ng pagtatapos ng taglamig at pagsisimula naman ng tagsibol sa northern hemisphere at umpisa ng taglagas sa southern hemisphere.
Ayon kay Ruben Cunanan, forecaster ng PAGASA, ang vernal equinox ay magaganap ngayong ala 1:32 ng madaling araw.
Sinasabing kung dati ay mahaba ang durasyon ng umaga, ngayon ay magiging pantay na ito bunga ng nasabing kaganapan.
Sabi ng Pagasa, ang vernal equinox ay nangyayari kapag ang sentro ng araw ay direktang tumama sa ilalim ng celestrial ng equator, o ang lugar kung saan ang ecliptic at celestrial equator ay magtagpo, sanhi upang ang gabi at umaga ay maging pantay ang durasyon.
Ang naturang pangyayari ay nagaganap dalawang beses kada taon, isa ay noong Marso at isa noong September, kung saan tinawag na autumnal equinox.
Dahil itinuturing na may pagbabago sa panahon, may taglay ang equinox ng kahalagahan sa ilang relihiyon at ipinagdiriwang ito ng ilan sa sibilisasyon. (Ricky Tulipat)