Pinay nakulong sa Australia dahil sa ice tea

MANILA, Philippines - Isang Pinay wedding planner na magbabakasyon lamang sa Australia ang ina­resto sa Melbourne airport noong Marso 13 sa hinalang may halong ilegal na droga ang dala nitong ice tea powder na binili sa Maynila.

Limang araw nakulong si Maria Cecilia Silva, 29, sa detention cell sa Melbourne nang pagdudahan ng Australian airport authorities na ang dala nitong tatlong pakete ng ice tea powder sa kanyang bagahe ay may sangkap umanong ipinagbabawal na droga matapos maamoy umano ng K-9 sniffing dog sa airport ang pakete ng ice tea sa bagahe ng Pinay kaya agad siyang pinigil ng Australian authorities.

Sa pagsusuri sa powder ay nagpositibo sa amphetamine kaya sinampahan ng kaso si Silva ng pag-aangkat ng commercial quantity ng droga.

Pero sa follow-up tests sa powder, lumalabas na wala itong sangkap ng droga kaya iniatras ang kaso sa Pinay na importing drugs. 

Nalaman naman ng mga kaanak ni Silva ang pagkakakulong nito sa Melbourne matapos na tumawag ang isa ring Pinay na nasa Australia at siyang nagpabili kay Cecilia ng nasabing ice tea bilang pasalubong.

Iniutos ni Melbourne court Judge Jack Vandersteen na bayaran si Silva ng Aus$5,000 bilang danyos. (Ellen Fernando)

Show comments