MANILA, Philippines - Isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) flight PR-843 ang muntik nang bumagsak habang papuntang Cebu dahil sa pag-aaway ng mag-asawang pasahero, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, sumakay ng eroplano ang mag-asawang kinilala sa pangalang Rex at Jovelyn, sa NAIA Terminal 2 para magpunta sa Cebu at sa kalagitnaan umano ng biyahe nila ay biglang nagsigawan ang dalawa hanggang i-umpog ng lalaki ang babae sa bintana nito.
Dahil umano sa lakas ng untog ay nag-crack ang bintana kaya naman nagsigawan at nag-panic ang mga pasahero na sakay nito.
Gayunman, inatasan ng piloto ang mga flight crew na sabihin umano sa mga pasahero nito na isuot ang kanilang seatbelt pero nakalma lamang ang mga sakay nito ng nakalapag sa Mactan International Airport ang nasabing eroplano.
Samantala, ang nasabing eroplano ng PAL ay hindi na muling nakabalik sa Manila dahil delikado na umano itong ibiyahe pa.
Pinigil naman ng Airport authorities sina Rex at Jovelyn para sa imbestigasyon.
Sinabi ng mga airport observer, na puwede umanong kasuhan ng malicious mischief at alarm scandal sa minimum at reckless imprudence resulting to damage of property sa maximum ang mag-asawa. (Butch Quejada)