Isyu batayan ng resulta ng eleksiyon
MANILA, Philippines - Isyu umano at hindi personalidad ang magiging batayan ng resulta sa lokal na halalan sa Maynila dahil “mature” na at matalino ang mga botante sa lungsod na siyang magiging basehan nila sa pagpili ng iboboto sa darating na eleksyon.
Ayon kay Vice-Mayoral candidate Ma. Lourdes “Bonjay” Isip, kabilang sa mga isyung ito ay ang Pandacan Oil depots at ang pagbebenta ng lupa ng Century Park Hotel.
Nais ni Isip na ilipat na ang mga depots sa kanayunan sa labas ng Metro Manila kung saan hindi ito magbibigay panganib sa tao sa sandaling magkaroon ng isang aksidente, o kilos- terorista na magpapasabog sa depot at manganganib ang libo-libong katao sa gitna ng kamaynilaan.
Isa pang isyu, ayon kay Isip na dating City Administrator, ay ang pagbenta sa lupa ng Century Park sa masyadong mababang presyo. Binenta umano ang lupa sa halagang P1 bilyon lamang, ngunit ang totoong halaga, batay sa real estate market, ay hindi kukulangin sa P3 bilyon.
“Ang Pandacan depot at pagbenta ng Century Park ay ilan lamang sa mga isyu na susubaybayan, pag-iisipan at isasaalang-alang ng mga Manileno,” ani Isip.
- Latest
- Trending