Pulis, bumbero madadagdagan
MANILA, Philippines - Madadagdagan na naman ang puwersa ng pulisya, bumbero at tanggapan ng pamatay sunog dahil sa may kabuuang 198 kadete ang nakatakdang ikomisyon sa nasabing mga posisyon matapos ang kanilang pagtatapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) ngayon.
Ang PNPA ay isang education at training institution para sa mga future officers ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology. Nasa ilalim ito ng Philippine Public Safety College (PPSC), isang attached agency ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang mga magsisipagtapos na PNPA ay mula sa “Mabikas Class 2010” at matapos ang graduation ay mahanay sila sa degree ng Bachelor of Science in Public Safety (BSPS).
Ang graduation rites ay gagawin sa Camp Gen. Marinao Castaneda sa Silang, Cavite.
Sa 198 graduates, 159 ang mapupunta sa PNP, 21 sa BJMP at 18 sa BFP na kinabibilangan ng 159 kalalakihan at 39 kababaihan.
Ang top graduates ngayong taon ay pinangunahan ni Cadet Caesar Ian Cordero Binucal, mula sa Maragondon, Cavite at anak ng isang tricycle driver na ang determinasyon ay maitaas ang antas ng mga mahihirap. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending